Pangulong Duterte, handang magresign kapag nagkaroon na ng bagong Saligang Batas na mapakikinabangan ng lahat

by Radyo La Verdad | November 29, 2017 (Wednesday) | 2166

Panauhin si Pangulong Rodrigo Duterte sa isinagawang unang Anti-Corruption Summit sa bansa na inorganisa ng Volunteers Against Crime and Corruption o VACC sa Pasay City kahapon. Sa kaniyang talumpati, sinabi nito sa opposition members na handa siyang magbitiw sa pwesto oras na makabuo ng bagong Saligang Batas. Handa rin aniya siyang magbigay ng kaniyang input sa bubuuing Saligang Batas.

Binigyang-diin ng Pangulo na dapat maging inclusive at matiyak na ang salapi ng taumbayan ay maipaglingkod din sa mga mamamayan. Dapat din aniyang mapaigting ang check and balances sa mga sangay ng pamahalaan.

Dagdag pa nito, kung matatapos umano ang bagong Saligang Batas bago maglipat ng taon, bababa na siya sa kaniyang pwesto.

Sa simula pa lamang ng kaniyang pangangampanya, ipinangako na ni Pangulong Duterte ang pagsusulong sa pagtatatag ng federal government.

Dahil dito, mas malaking bahagi ng kanilang kita ang magagamit ng mga rehiyon at maliit lang ang mapupunta sa central government, ito ang nakikitang solusyon ng Pangulo upang mawakasan ang kahirapan na sanhi ng kaguluhan sa malaking bahagi ng bansa lalo na sa Mindanao.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,