Pangulong Duterte, ginunita ang National Heroes’ Day sa Taguig City

by Radyo La Verdad | August 27, 2018 (Monday) | 4101

Alas-otso ng umaga nang dumating sa libingan ng mga bayani sa Taguig City si Pangulong Rodrigo Duterte at umpisahan ang programa para sa paggunita ng pambansang araw ng mga bayani.

Daan-daang panauhin ang nakiisa sa commemoration ng National Heroes’ Day kabilang na ang mga opisyal ng pamahalaan, mga kasapi ng diplomatic corps, mga beterano, mga guro at mga mag-aaral, mga kinatawan ng mga non-government organization at iba pang sectoral representatives.

Binigyang pugay at pagkilala naman ni Pangulong Duterte ang naiambag sa kalayaan, demokrasya at pag-unlad ng bansa hindi lamang ng mga bayaning Pilipino kundi maging ng mga ordinaryong Pilipino.

Samantala, sa isang ambush interview ay natanong ang Pangulo hinggil sa ilang isyu kabilang na ang pagkakatalaga bilang chief justice kay Senior Justice Teresita Leonardo-De Castro.

Sinabi ng punong ehekutibo, seniority at merit system ang batayan ng kaniyang administrasyon sa pagpili ng susunod na tagapanguna sa mga government post at walang kinalaman ang political color.

Binigyang-diin din nito na wala siyang kakilalang personal sa mga huwes ng kataas-taasang hukuman.

Samantala, binanggit din ng Pangulo ang dahilan ng kaniyang gagawing pagbisita sa Israel at Jordan. Ito ay upang dalawin ang libo-libong mga Pilipino at alamin ang kanilang kalagayan dahil umano sa banta sa seguridad sa mga nasabing bansa.

Pabiro namang sinagot ng punong ehekutibo ang isyung ipinupukol sa kaniya ng oposisyon hinggil sa dahilan ng pagpunta niya sa Israel.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,