Pangulong Duterte, ginawang P3-milyong piso ang pabuya sa makapagsusuplong sa mga ‘ninja cops’

by Radyo La Verdad | September 21, 2017 (Thursday) | 1649

Ipinagtataka ni Pangulong Rodrigo Duterte kung bakit mula noong nakalipas na taon hanggang ngayon, wala pa ring nahuhuling mga tinaguriang ‘ninja cops’ o mga pulis na sangkot sa operasyon ng iligal na droga.

Una nang nag-alok ang punong ehekutibo ng dalawang milyong pisong pabuya sa makakapagsuplong ng ninja cop.

Kahapon nang pangunahan nito ang pagkakaloob ng pagkilala sa mga natatanging kawani ng pamahalaan, itinaas ni Pangulong Duterte ang reward money sa makapagsusuplong hindi lang sa bawat ninja cops kundi maging sa iba pang tauhan ng pamahalaang sangkot sa operasyon ng iligal na droga sa bansa.

Samantala, hindi rin aniya mangingiming utusan ni Pangulong Duterte ang mga law enforcers na i-neutralize maging ang kaniyang anak partikular na si Davao City Vice Mayor Paolo Pulong Duterte kung mapapatunayan o mahuhuling sangkot sa drug smuggling.

Samantala, binigyang-diin naman ng punong ehekutibo na wala itong interes na magtalaga ng mga barangay captain.

Ito ay matapos niyang ipanukala na i-postpone ang barangay elections sa ikalawang pagkakataon dahil sa bantang maiuloklok ang mga sangkot sa operasyon ng iligal na droga.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,