Polisiya ni Pangulong Rodrigo Duterte italaga kung sino ang nauna at kung sino ang karapat-dapat sa pwesto.
Ito ang paninindigan ng punong ehekutibo sa mga kinukwestyon sa pagtatalaga niya kay Senior Justice Teresita Leonardo-De Castro bilang bagong chief justice.
Mayroon na lamang kulang dalawang buwan si De Castro upang manguna sa kataas-taasang hukuman bago sapitin ang kaniyang mandatory age of retirement na 70 taong gulang sa ika-8 ng Oktubre.
Ayon sa iba, bayad utang umano ito dahil sa pagboto ni De Castro pabor sa quo warranto petition na isinumite para patalsikin ang dating chief justice na si Maria Lourdes Sereno sa pagpalyang ideklara ng tama ang kaniyang yaman at ari-arian.
Subalit giit ni Pangulong Duterte, walang political color ang ginagawa niyang appointment at hango aniya sa seniority at merit system.
Si De Castro ang pinaka-senior sa lahat ng miyembro ng Korte Suprema. Appointee siya sa Supreme Court ni dating Pangulong Gloria Arroyo noong taong 2007.
Naging presiding justice din ito ng Sandiganbayan noong 2004.
Ngayong araw inaasahang lalabas ang formal appointment nito bilang bagong punong mahistrado.
Samantala, ayon naman kay Special Assistant to the President Bong Go, naka-schedule sa ika-31 ng Agosto ang oath taking nito sa Malacañang
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )
Tags: De Castro, Pangulong Duterte, Supreme Court