Pangulong Duterte, dumating na sa Vietnam para sa tatlong araw na APEC Economic Leaders’ Meeting

by Radyo La Verdad | November 9, 2017 (Thursday) | 12126

Pasado alas sais kagabi sa Da Nang, Vietnam nang dumating sina Pangulong Rodrigo Duterte at ilan sa mga miyembro ng kaniyang gabinete.

Mananatili dito ang punong ehekutibo para sa Asia Pacific Economic Cooperation o APEC Economic Leaders’ Meeting hanggang araw ng Sabado.

Ayon sa Department of Foreign Affairs, magkakaroon din ng pakikipagpulong si Pangulong Duterte sa mga lider ng Vietnam, Russia at Papua New Guinea sa sidelines ng APEC Summit.

Layon nitong paigtingin ang ugnayan ng Pilipinas sa mga nabanggit na bansa at talakayin ang mga isyung may kinalaman sa pagsusulong ng ekonomiya, pagpapanatili ng seguridad sa rehiyon at iba pa.

Samantala, kinumpirma na rin ni Pangulong Duterte na kabilang sa tatalakayin nito sa bilateral meeting kay U.S. President Donald Trump ang isyu sa kalakalan at terorismo.

Posible ring mapasadahan ang isyu ng maritime dispute sa South China Sea. Unang pagkakataon na magkikita ng personal ang dalawang lider sa APEC Summit.

Samantalang sa Manila naman ay magkakaroon ng extensive bilateral meeting sina Pangulong Duterte at President Trump sa sidelines ng ASEAN Summit.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,