Dinalaw nina Pangulong Rodrigo Duterte at Philippine National Police Chief Director General Ronald Dela Rosa ang burol ng yumaong si PO3 Wilfredo Gueta. Si Gueta ang pulis na namatay matapos maka-engkwentro ang isang kilalang drug suspect sa Pasig City noong Lunes ng tanghali.
Ginawaran ni Dela Rosa si Gueta ng posthumous medal of merit o medalya ng kagalingan. Bukod pa ito sa ibang tulong para sa pamilya Gueta. Maging si PO1 Raymond Dela Cruz na kasama ni Gueta at siyang nakapatay sa drug suspect ay ginawaran din ng parangal at binigyan ng bagong baril.
Nangako naman si Pangulong Duterte sa mga naulila ni Gueta na makukuha nila ang mga benepisyo sa lalong madaling panahon. Pinagkalooban din ang mga ito ng Pangulo ng financial assistance, educational assistance, cellphone at bagong bahay.
Nabawasan naman kahit papaano ang kalungkutan ng misis ni Gueta dahil sa suporta ng pamahalaan sa kanila. Sa panayam kay Pangulong Duterte matapos ang pagbisita nito sa nasawing pulis ay inulit nito ang kaniyang matinding galit sa mga drug suspects.
Muling binantaan ng Pangulo ang mga nasa likod ng operasyon ng iligal na droga sa bansa.
( Reynante Ponte / UNTV Correspondent )
Tags: burol, Pangulong Duterte, PO3 Wilfredo Gueta