METRO MANILA – Nilinaw ni Presidential Spokesperson Harry Roque na wala siyang kinalaman sa pagkakatanggal sa pwesto ni Dr. Tony Leachon bilang special adviser to the National Task Force on Covid-19.
Aniya, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang hindi nagustuhan ang ginawa ng eksperto nang tuligsain ang Department of Health bilang lead agency ng pamahalaan sa pagresponde sa pandemya.
Si Leachon ang nagsabing nawalan na ng focus ang DOH at nagpahayag ng pagkadismaya sa reporting ng kagawaran kaugnay ng Covid-19 cases.
“Nanggaling naman po kay Presidente, na bakit nagsasalita ng ganito ito si Leachon. So let me correct you Dr. Leachon, ‘di po ako, ‘di po si Sec. Duque, mismong si President Duterte po noted that you should not be doing what you were doing kaso alam ninyo po pagdating sa datos ng Department of Health, wala pong tinatago,” ani Sec. Harry Roque, Presidential Spokesperson.
‘Di naman itinanggi ng Palasyo ang negative reaction nito sa naging pahayag ni Leachon subalit iginiit na wala itong itinatago sa publiko kaugnay ng mahahalagang impormasyong dapat malaman sa Covid-19.
“You do not have the monopoly of the truth and we have never lied, saan po kami nagsinungaling, dapat ilathala niya ‘yan. We are perfecting the recording of cases, we have not perfected it yet but we are striving po to improve,” dagdag ni Sec. Harry Roque, Presidential Spokesperson.
Sa isang pahayag, sinabi ni Dr. Leachon na nananatili ang kaniyang paggalang sa Punong Ehekutibo, pagtatapat sa Pilipinas, at iginiit na mayroon siyang moral responsibility na ipaalam sa publiko ang kasakukuyang state of health ng bansa kaugnay ng Covid-19 pandemic.
Samantala, naniniwala naman ang Malacañang na hindi makakaapekto sa kredibilidad ng IATF at DOH ang ginagawang imbestigasyon ng Ombudsman laban kay Health Secretary Duque at iba pang tauhan at kawani sa kagarawan. Nagpapatuloy din aniya ang tiwala ng Pangulo kay Duque hangga’t nananatili ito sa pwesto.
“Until found guilty, they are presumed innocent, at kung mapapansin ninyo naman po ang IATF po talaga, lahat po ng departamento, it’s a whole government approach, it’s not just the DOH although the DOH po has the position of leadership,” ani Sec. Harry roque, Presidential Spokesperson.
Samantala naniniwala si Senator Sherwin Gatchalian na mas makabubuti kay Health Secretary Francisco Duque III kung magli-leave of absence muna ito. Ito’y upang masiguro aniya na magiging patas ang imbestigasyon na gagawin ng office of the Ombudsman.
(Rosalie Coz)
Tags: Dr. Tony Leachon, Pang. Duterte, Pres. Rodrigo Duterte