Pangulong Duterte, dadalo sa ASEAN Leaders’ Gathering sa Bali, Indonesia sa ika-11 ng Oktubre

by Radyo La Verdad | October 9, 2018 (Tuesday) | 2364

Muling bibiyahe sa labas ng bansa si Pangulong Rodrigo Duterte at magtutungo sa Bali, Indonesia para sa ASEAN Leaders’ Gathering sa ika-11 ng Oktubre.

Ayon kay Foreign Affairs Assistant Secretary for ASEAN Affairs Junever Mahilum, dadaluhan ni Pangulong Duterte ang naturang event sa imbitasyon ni Indonesian President Joko Widodo.

Ilan sa mga inaasahang pag-uusapan ng ASEAN leaders ay ang pagpapaigting ng kooperasyon sa ikasusulong ng ekonomiya sa rehiyon.

Samantala, pagkakataon na rin ito ni Pangulong Duterte na ipaabot ng personal ang pakikiramay ng Pilipinas kay President Widodo dahil sa nangyaring lindol at tsunami sa Sulawesi Island. Mayroong nakatakdang bilateral meeting ang dalawang lider.

Ayon kay Mahilum, inaasahang magkaroon ng ceremonial turnover sa ibibigay na financial assistance ng Pilipinas sa bansang Indonesia sa pamamagitan ng ASEAN Coordinating Center for Humanitarian Assistance on Disaster Management.

Hindi naman tinukoy ng opisyal kung magkano ang iaabot na tulong ng Pilipinas.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,