Nagtungo sa Camarines Sur si Pangulong Rodrigo Duterte kagabi. Binisita nito sa ospital ang tatlong pulis na nasugatan sa pananambang sa convoy ng Food and Drug Administration (FDA) sa Brgy. Napolidan, Lupi Camarines Sur noong nakaraang Huwebes. Kinamusta ng Pangulo ang kalagayan ng mga ito at ginawaran ng Order of Lapu-Lapu Rank of Kampilan.
Personal ding nagpaabot ng kaniyang pakikiramay ang Pangulo sa pamilya nina SPO1 Percival Rafael Jr., PO3 Carlito Navaroza Jr. at PO1 Ralph Jason Vida, ang tatlong pulis na nasawi sa insidente.
Dumalaw ito sa burol PO1 Vida na nakalagak sa Camarines Sur Provincial Police Office at ginawaran ito ng Order of Lapu-Lapu Rank of Kalasag.
Ang Kalasag Medal ay ibinibigay sa mga opisyal, government personnel at pribadong indibidwal na nasawi dahil sa mga gawain na may kinalaman sa kampanya o adbokasiya ng Pangulo, habang ang Kampilan Medal naman ay para sa mga nasugatan.
Kasama naman ni Pangulong Duterte na dumalaw sa burol ni PO1 Vida si FDA Director General Nela Charade Puno na siyang inasistehan ng mga nasawi at nasugatang pulis.
Hindi na nagbigay ng pahayag sa media si Pangulong Duterte, ngunit ayon kay MGen. Jesus Manangquil, ang commanding general ng 9th Infantry Division Philippine Army, ibinilin umano ng Pangulo sa PNP at AFP ang pagpapaigting ng localized peace talks sa rebeldeng New People’s Army na itinuturong responsable sa pananambang.
Layon nitong mahikayat ang mga rebelde na magbalik-loob sa pamahalaan.
Bukas, alas nuebe y media ng umaga nakatakdang ilibing ang labi ni PO1 Vida sa Sto Niño Memorial Park, habang sa susunod naman na mga araw ang dalawa pang nasawing pulis.
( Allan Manansala / UNTV Correspondent )
Tags: FDA, New People’s Army, Pangulong Duterte