Pangulong Duterte, bubuo ng independent commission na mag-iimbestiga sa pagkasawi ng SAF 44

by Radyo La Verdad | January 25, 2017 (Wednesday) | 1228

PRES.DUTERTE
Bilang bahagi ng paggunita sa ikalawang taon ng madugong Mamasapano encounter ngayong araw, tinipon sa Malakanyang kahapon ang mga kaanak at mga naulila ng fallen SAF 44 upang personal na makausap ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Dito ipinahayag ng pangulo ang balak niyang pagbuo ng isang independent commission upang mag-imbestiga sa mga pangyayari sa Oplan Exodus na ikinasawi ng 44 na tauhan ng Philippine National Police – Special Action Force sa Mamasapano, Maguindanao noong January 25, 2015.

Bibigyan niya ito ng kapangyarihan ipatawag ang sinumang relevant sa isasagawang imbestigasyon.

At bago matapos ang 2017, kinakailangan aniyang makapagpresenta na ng resulta sa ginawang pagsisiyasat ang naturang komisyon.

Pinananagot naman ni Pangulong Duterte sina dating Pangulong Benigno Aquino The Third at dating PNP Chief Director General Allan Purisima sa palyadong Oplan Exodus.

Ayon sa pangulo, upang bigyang-kasagutan ang maraming katanungan ng mga kaanak at matahimik din sila, dapat aniyang aminin ni Aquino ang kaniyang responsibilidad sa pumalpak na operasyon lalo na ang pagtatalaga nitong magbigay direktiba sa noo’y suspindido nang si Purisima na marami rin aniyang kasalanan sa pulisya dahil sa pagiging sangkot sa mga katiwalian.

Kinuwestiyon din ni Pangulong Duterte kung bakit mga pulis ang inatasang gawin ang operasyon samantalang hindi naman pamilyar ang mga ito sa terrain ng lugar.

Bukod pa sa hindi agad pagbibigay ng armed support gayong buong araw ang itinagal na bakbakan sa Mamasapano noong January 25, 2015.

Sinilip din ni Pangulong Duterte ang di pakikipagcoordinate sa Moro Islamic Liberation Front ng pamahalaan bago ang naturang operasyon at tinuligsa ang dating Presidential Adviser on the Peace Process na si Teresita Deles.

Bukod dito, tinanong din ni Pangulong Duterte kung bakit itinago ng Administrasyong Aquino ang Oplan Exodus na maituturing na operasyon ng Central Intelligence Agency o CIA ng Estados Unidos.

(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)

Tags: ,