Pangulong Duterte, binisita ang Filipino community sa Japan

by Radyo La Verdad | October 26, 2016 (Wednesday) | 1584

pres-duterte-in-japan
Agad na hinarap ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Filipino community pagdating nito sa bansang Japan kahapon.

Sa kanyang talumpati, nagpasalamat ang pangulo sa Japan sa magandang pakikitungo sa mga Pilipino sa lugar at sa pagiging pinakamalaking development assistance partner ng Pilipinas.

Muli ring binanggit ng pangulo ang pangakong pag-aalis ng korapsyon sa pamahalaan at pagsugpo sa problema sa iligal na droga.

Tuwang-tuwa naman ang mga kababayan natin dito sa Japan sa pagdalaw ng pangulo.

Ipinahayag din ng mga ito ang kanilang mga inaasahang pagbabago sa ilalim ng Administrasyong Duterte.

Samantala, ngayong araw ay ilang pagtitipon ang dadaluhan ni Pangulong Duterte, kabilang na ang Philippine Economic Forum at Lunch Meeting sa Japan Business Foundation.

Mamayang gabi ay isang expanded bilateral meeting naman kasama si Prime Minister Shinzo Abe ang dadaluhan ni Pangulong Duterte.

Pagkatapos nito ay magkakaroon din ng rare one-on-one talks sa pagitan ng dalawang leader kung saan inaasahang matalakay ang West Philippine Sea Territorial Dispute.

(Anthony Bayaton / UNTV Correspondent)

Tags: ,