Kasabay ng mga ulat ng patuloy na militarisasyon ng China sa South China Sea, binilinan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga sailor at marines na ipagpatuloy ang pagbabantay at pagtatanggol sa ating teritoryo.
Ayon sa punong ehekutibo, kung siya ang tatanungin, may nais siyang gawin upang ipagtanggol ang karapatan ng Pilipinas sa mga pinagtatalunang teritoryo.
Tulad ng mas matindi o marahas na hakbang para igiit ito, subalit hindi aniya niya kayang tanggapin ang magiging kapalit.
Samantala, ayon naman kay Philippine Navy Flag Officer-in-Command Vice Admiral Robert Empedrad, makikibahagi ang Pilipinas sa Rim of the Pacific Exercise 2018 na isasagawa sa Honolulu, Hawaii.
Ipinakita din kay Pangulong Duterte ang kapasidad ng hukbong dagat sa amphibious operations, counter terrorism at hostage rescue ng Naval Special Operations Group at Phillipine Marines Special Operations Group.
Sa huli, inihayag ng punong ehekutibo na magbibigay ang Jordan sa Pilipinas ng dalawang cobra attack helicopters na karagdagang kapasidad pangmilitar ng bansa.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )
Tags: China, Pangulong Duterte, WPS