Pangulong Duterte, binabawi na ang suspensyon ng operasyon ng STL sa ilalim ng ilang kondisyon

by Erika Endraca | August 23, 2019 (Friday) | 15253

MANILA, Philippines – Matapos irekomenda ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kay Pangulong Rodrigo Duterte, maaari nang muling mag-operate ang mga Small Town Lottery (STL) na sumusunod sa patakaran ng PCSO at nagre-remit ng kanilang minimum monthly receipts subalit sa ilalim ng ilang kondisyon. Kinumpirma ito ng Malacañang at ni PCSO General Manager Royina Garma kagabi (August 22).

“We are happy to announce that pursuant to the recommendation of the PCSO, the president lifted the suspension of operations of STL, a authorized agent corporations that are compliant with the conditions of their STL agency agreement and has been remitting its guaranteed minimum monthly retail receipts provided the following conditions are met.” ani PCSO General Manager, Royina Garma.

Kabilang sa mga naturang kondisyon ay ang pagdedeposito ng Authorized Agent Corporations (AAC) ng cash bond na katumbas ng 3 buwan sa PCSO share o buwanang retail receipts bukod pa sa umiiral ng cash bonds.

Pangalawa, kung di makapag-remit on time ng guaranteed minimum monthly retail receipts ang mga AAC, otomatikong mafo-forfeit ang kanilang cash bond.

Sunod ay kinakailangan ding gumawa ng written undertaking ang mga  AAC bilang patunay na susunod ito sa STL agreement at iiwasang pigilin ang ipinatutupad na panuntunan ng pamahalaan sa pamamagitan ng paghiling sa korte ng injunction o temporary restraining order.

Ibig sabihin, bawal magreklamo sa korte ang mga franchise holder. Pang-apat ang otomatiko namang termination ng STL agreement oras na lumabag sa anumang panuntunan ang mga may STL license to operate.

Ayon naman kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, magiging epektibo ito oras na mailathala ang Implementing Rules and Regulations (IRR)  na posibleng ilabas sa Lunes (August 26).

Hinikayat naman ni General Manager Garma ang mga  AAC na magsadya sa kanilang opisina kung may anomang katanungan hinggil dito.Una nang pinatigil ni Pangulong Duterte ang operasyon ng PCSO gaming activities dahil sa talamak na katiwalian subalit binawi rin agad ang suspension sa lotto.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , ,