Dadalo si Pangulong Rodrigo Duterte sa 33rd ASEAN Summit and Related Meetings sa Singapore, kasama ang iba pang lider ng ASEAN member states at dialogue partners mula sa ika-13 hanggang ika-15 ng Nobyembre.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), kabilang sa mga inaasahang pag-uusapan sa pagpupulong sa ASEAN Summit ang infrastructure development, economic integration, Korean Peninsula, South China Sea at transnational at transboundary issues tulad ng terrorism, violent extremism, illicit drugs at iba pa. Isasagawa rin ang ikalawang summit ng leaders sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP).
Subalit hindi inaasahang magkakaroon na ng konklusyon sa ginagawang negosasyon ng mga economic leaders hinggil dito.
Ang RCEP ang free-trade agreement ng Australia, China, Japan, India, New Zealand, South Korea at 10-ASEAN member states. Counterpart nito ang Trans-Pacific partnership (TPP).
Sa usapin naman ng South China o West Philippine Sea dispute, inaasahang mapag-uusapan ang mga pinakahuling development sa pinagtatalunang teritoryo. Ito ay lalo na’t ang Pilipinas ang nakatalaga sa coordinatorship ng ASEAN-China dialogue partnership ngayong taon hanggang 2021.
Inaasahang maglalabas ng outcome documents ang mga lider pagkatapos ng mga summit.
Samantala, hindi makakadalo si US President Donald Trump sa 33rd ASEAN Summit at si US Vice President Mike Pence ang kakatawan sa kaniya. Batay sa ulat, bibiyahe si Trump patungong Paris para 100th commemoration ng Armistice na tumapos sa World War I.
Samantala, inaasahan namang dadalo sina Russian President Vladimir Putin at Chinese Premier Li Keqiang.
Ayon sa DFA, nasa apat hanggang limang lider ang nagpaabot ng request na makapulong si Pangulong Duterte sa sidelines ng ASEAN Summit.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )
Tags: 33rd ASEAN Summit and Related Meetings, Pangulong Duterte, Singapore
The Philippine Broadcast Hub
UNTV, 915 Barangay Philam, EDSA, Quezon City M.M. 1104
Radyo La Verdad © All Rights Reserved 2019
+632 8 442 6254 | Monday – Friday, 8AM – 5PM | info@radyolaverdad.com