METRO MANILA, Philippines – Nakatakdang umalis ngayong araw (October 21) ng Pilipinas si Pangulong Rodrigo Duterte patungong Japan at babalik ng Pilipinas araw ng Miyerkules.
Kasama ng ibang heads of states at ibang dignitaries, dadaluhan ng punong ehekutibo ang Enthronement Ceremony ng 59 years old Japanese Emperor Naruhito Bukas, araw ng Martes, October 22.
Isang national holiday ang naturang event sa bansang Japan. Naluklok sa trono si Naruhito noong May 2019 matapos magbitiw sa posisyon ang kaniyang ama dahil sa kalusugan. Ito ang kauna-unahang emperador na gumawa nito sa loob ng 2-siglo.
Una nang ipinagpaliban ng Japanese government ang procession na nakatakda sanang gawin pagkatapos ng enthronement dahil sa epekto ng bagyong Hagibis na nanalasa sa bansa noong nakalipas na weekend.
Samantala, ito naman ang ika-4 na pagkakataon kay Pangulong Duterte na bumisita sa bansang Japan. Ayon sa Punong Ehekutibo, ang Japan ang isa sa mga bansang patuloy ang pagbibigay ng ayuda sa Pilipinas. Walang ibang detalyeng ibinigay ang palasyo sa mga kabilang sa delegasyon at official schedule ng punong ehekutibo.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: Japan, Pangulong Duterte