Pangulong Bongbong Marcos Jr., inatasan ang mga ahensya para sa agarang tulong sa earthquake hit areas

by Radyo La Verdad | July 28, 2022 (Thursday) | 763

METRO MANILA – Agad na pupunta si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Junior sa mga lugar na naapektuhan ng lindol.

Pero sa ngayon ayon sa pangulo, hahayaan muna niya ang mga local official na asikasuhin ang ating mga kababayan sa earthquake-hit areas partikular sa probinsya ng Abra.

Ayon kay PBBM, posibleng ngayong araw (July 28) ay magtungo siya sa mga apektadong lugar.

Pero inatasan na ni Pangulong Marcos ang mga kinauukulang ahensya na rumesponde agad sa northern luzon provinces.

Tiniyak ng pangulo na tutulong ang pamahalaan sa pagtatayo ng mga tahanan na sinira ng lindol.

“Tutulong kami. The immediate, lalo na sa lindol, ang immediate concern is shelter kasi nga kahit na titignan mo ang bahay mukhang matibay, hindi mo malalaman hanggang na inspeksyon ng mabuti yun.“ ani Pres. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Nagpahayag rin ng pagkabahala si Pangulong Marcos Jr. sa posibleng idulot ng patuloy na mga pag-ulan dahil sa low pressure area na huling namataan sa karagatan sa kanluran ng Ilocos Sur.

Sa ngayon ayon sa pangulo, hindi pa kailangan na magdeklara ng State of National Calamity.

“Generally ang SOP dyan, ang State of National Calamity pagka apektado ang tatlong region, automatic yun. Hindi naman naapektuhan ang tatlo. So far we can say it’s Region 1 and CAR so I dont think it’s necessary right now to declare a national emergency. However depending on the info that comes back I’m sure marami pa tayong mababalitaan, marami pang mga info na hindi nakarating sa atin, baka mangayri yun, I hope not.” ani Pres. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Sa oras na madeklara ang State of Calamity, mas mapapabilis ang rescue, relief at rehabilitation efforts ng pamahalaan.

Magpapatupad rin ng price control sa mga pangunahing bilihin sa mga lugar na naapektuhan ng kalamidad.

(Nel Maribojoc | UNTV News)

Tags: