Pangulong Aquino, umaasang tataas pa ang PSE index ng stock market bago matapos ang kaniyang termino

by Radyo La Verdad | April 14, 2015 (Tuesday) | 1104

pse_jerico
Umaasa si Pangulong Aquino na bago matapos ang kaniyang termino sa 2016 ay tataas pa hanggang 9,000 hanggang 10,000 ang antas ng stock market sa bansa mula sa kasalukuyang 8,000 na naitala noong nakaraang linggo.

Kaninang umaga, pinangunahan ni Pangulong Benigno Aquino III ang bell ringing ceremony sa Philippine Stocks Exchange sa Makati City upang lalong mahikayat ang mga investor na mamuhunan sa bansa.

Ipinagmalaki ng Pangulo na matapos ang halos limang taon mula nang umupo bilang presidente noong 2010, dumoble umano ang PSE index mula 4,000 noong September 2010 hanggang 8,127.48 points na naitala noong nakaraang Biyernes.

Ayon kay Trade Secretary Gregory Domingo, senyales ito ng paglago ng ekonomiya ng Pilipinas at repleksyon ng pagbaba ng unemployment rate sa bansa.(Jerico Albano,UNTV Radio Correspondent)