Personal na dumalaw si Pangulong Benigno Aquino the third sa bayan ng Casiguran, Aurora myerkules umaga upang alamin kung gaano katindi ang iniwang pinsala ng bagyong lando.
Ilang araw ding na-isolate ang bayan ng Casiguran kaya naging place of concern ito ng pamahalaan.
Sa pakikipag-pulong ng pangulo sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan, napag-alaman na may dalawang casualty sa Casiguran at maraming bahay ang nasira sa kasagsagan ng bagyo.
Ayon sa pangulo, maaari pa namang ma-improve ang sistema ng lokal na pamahalaan sa pagtugon sa mga sakuna at maging leksyon sa lahat ang nangyari upang paghandaan ng husto ang mga susunod pang bagyo.
Bukod sa supply ng tubig at sako-sakong relief packs na ipinamahagi sa mga residente, nangako rin ang pangulo ng tulong sa mga nasalanta gaya ang pagbibigay ng pondo sa pagpapagawa ng bahay;
30,000-pesos ang matatanggap kapag totally damaged ang bahay habang 10,000-pesos kung partially-damaged.
Pakiusap naman ng Department of Social Welfare and Development sa mga apektadong residente na kunan ng lawaran ang nasira nilang bahay upang maayos na makakuha ng claim.
Matapos makipag-pulong sa lokal na pamahalaan ay binisita rin ng pangulo ang Casiguran District Hospital, public market at covered court upang inspeksyunin ang pinsala ng bagyo.
Noong lunes naman ay sa Cabanatuan City, Nueva Ecija nagpunta ang pangulo upang mamigay rin ng relief goods sa mga naapektuhan ng bagyong lando.
Sa isang pahayag sa media, pinabulaanan ng pangulo ang isyu na naging mabagal ang pagtugon ng pamahalaan sa mga lugar na dinaanan ni lando dahil may mga naka-preposition nang relief supplies at equipment ang dswd at DPWH para sa agarang relief at clearing operations.
Sa ulat ng Provincial Disaster risk Reduction and Management Council, aabot sa higit apat na libong pamilya ang naapektuhan ng bagyo sa lalawigan ng Aurora habang nasa pitong libong pamilya naman ang na-displace ng baha sa probinsya ng Nueva Ecija. ( Grace Doctolero / UNTV News )
Tags: Casiguran District Hospital, Department of Social Welfare and Development
The Philippine Broadcast Hub
UNTV, 915 Barangay Philam, EDSA, Quezon City M.M. 1104
Radyo La Verdad © All Rights Reserved 2019
+632 8 442 6254 | Monday – Friday, 8AM – 5PM | info@radyolaverdad.com