Pangulong Aquino, nakipagpulong sa mga lider ng Papua New Guinea, Columbia, Vietnam at Mexico

by Radyo La Verdad | November 17, 2015 (Tuesday) | 1163

Papua-New-Guinea-Prime-Minister-Peter-Charles-Paire-O'Neill
Unang nakipagpulong ngayong martes sa Malakanyang si Pangulong Benigno Aquino the third kay Papua New Guinea Prime Minister Peter Charles Paire O’Neill.

Ayon kay Presidential Communication Secretary Herminio Coloma Junior, humingi ng assistance si Prime Minister O’Neill kay Pangulong Aquino na ibahagi ng Pilipinas ang kaalaman ukol sa climate change adaptation at mitigation na makatutulong sa 2015 paris climate conference.

Humingi rin ang premier ng technology at technical assistance sa produksyon ng palay.

Nagtungo rin sa Malakanyang si Columbian President Juan Manuel Santos, na inimbitahan ni Pangulong Aquino upang maging observer sa APEC Meetings.

Tinalakay naman NG dalawang lider ang katulad na problemang kinakaharap ng Colombia at Pilipinas – ang pagsugpo sa ilegal na droga at ang pagtulong sa mga pamilyang mahihirap.

Nag-alok rin ng tulong ang Colombian President sa Pilipinas para sa pagbabahagi ng kaalaman at karanasan kaugnay ng kampanyang ginagawa ng kaniyang bansa sa ilang dekadang pakikipaglaban sa ilegal na droga.

Kasunod nito ay nagkaroon din ng bilateral meeting si Pangulong Aquino kay Vietnamese President Truong Tan Sang.

Sa pahayag ni Pangulong Aquino, nilagdaan na ang joint statement on the establishment of a strategic partnership ng Pilipinas at Vietnam.

Unang hakbang ito para sa strategic partnership ng dalawang bansa pagdating sa kooperasyon sa ekonomiya, agrikultura, defense at maritime engagement.

Muling nagpahayag ng suporta ang Vietnamese President sa isinusulong ng Pilipinas na kaso sa arbitral tribunal kaugnay ng territorial dispute sa West Philippine Sea. (Nel Maribojoc/UNTV News)

Tags: , ,