Simple lamang ang magiging programa para sa transisyon ng administration sa June 30.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Sonny Coloma, sa araw ng inagurasyon bibigyan ng departure honors si Pangulong Benigno Aquino The Third at sasakay pa rin siya sa presidential vehicle pauwi sa kaniyang tahanan sa Time Street, Quezon City.
Ngunit bago ang pagalis ni Pangulong Aquino sa Malakanyang ay gagampanan muna niya ang kaniyang huling tungkulin.
Sa kanyang pagbaba sa tungkulin ay wala ng gagawing farewell statement si Pangulong Aquino.
Sa ngayon wala pang deklarasyon ang Malakanyang kung gagawing holiday ang June 30, ang araw ng panunumpa ng ika-16 na pangulo ng bansa.
Sa huling press briefing rin ni Coloma, ayon sa kaniya malaki rin ang naging papel ng media sa anim na taon ng Administrasyong Aquino sa paghahatid ng impormasyon sa publiko at sa pagbubuo ng polisiya ng pamahalaan.
Dagdag ni Coloma, naging malaking hamon sa kanila ang mga isyu tulad ng 2010 Luneta hostage taking incident, ang usapin sa Disbursement Acceleration Program o DAP at ang 2015 Mamasapano incident.
Kaya naman naniniwala ang malakanyang na dapat ipagpatuloy ang kalayaan ng pamamahayag.
(Nel Maribojoc / UNTV Correspondent)
Tags: huling tungkuling gagampanan, June 30, Pangulong Aquino