Pangulong Aquino, nag-ikot sa Mindanao para mag-inspeksyon sa ilang programa at infrastructure projects ng Administrasyon

by Radyo La Verdad | September 9, 2015 (Wednesday) | 1307

PNOY
Dumating si Pangulong Aquino sa Ozamis City kaninang umaga upang inspeksyunin ang ginagawang widening at upgrading ng National Road sa probinsya.

Bahagi ito ng pag-ikot ng Pangulo ngayong araw sa Mindanao Region.

Nasa halos 8 billion peso-infra projects ang inilaan para sa Misamis Occidental at nasa 90 percent dito ay halos kumpleto na.

Kabilang dito ang farm to market road projects, access roads, rehabilitasyon ng Ozamis airport at pagsasaayos ng mga pantalan.

Hindi pa kasama dito ang 5.3 billion peso-Panguil Bridge na kabilang sa high priority development projects sa Mindanao na itatayo na sa susunod na taon

Ang nasabing tulay ay magdudugtong sa Tangub City ng Misamis Occidental at Tubod sa Lanao del Norte upang mapaikli sa tatlumpu’t pitong minute ang biyahe ng mga motorista mula sa kasalukuyang sa dalawa at kalahating oras.

Ayon sa Pangulo, kasama ito sa development projects ng administrasyon na makatutulong sa pag-unlad ng ekonomiya sa rehiyon.

Nanawagan naman si Pangulong Aquino sa mga taga Mindanao na piliing mabuti ang susunod na lider ng bansa para na rin sa ikapagpapatuloy ng mga proyekto at programa ng administrasyong Aquino.

Kaugnay nito, ilang mga road projects rin ang pinuntahan ng Pangulo sa Davao City. ( Nel Maribojoc / UNTV News)

Tags: , ,