Humingi ng pangunawa si Pangulong Benigno Aquino III kung bakit natagalan ang paglalagay ng kapalit ni retired at dating PNP OIC Deputy Director Gen. Leonardo Espina.
Paliwanag ni Pangulong Aquino, hindi aniya personal na kilala ang matataas na opisyal ng PNP na nakahanay bilang kahalili ni Gen. Espina.
Wala din umanong agarang basehan ang Pangulo kaya kinailangan niyang magsagawa ng imbestigasyon sa mga ulat na nakakarating sa kaniya kaugnay sa mga nirerekomendang maaring maging pinuno ng PNP.
Dahil dito, napilitan aniya siyang bumaba sa mga senior officials sa hanay ng kapulisan at napili nito si bagong PNP chief Police Director Ricardo Marquez dahil aniya, isinabuhay nito ang mga batayang prinsipyo ng huwarang pulis na masipag at may paninindigan.
Samantala, Ikinuwento rin ng Pangulo sa kaniyang talumpati sa isinagawang change of command ceremony ng PNP kung paano nito natuklasan ang katakot takot aniyang siraan habang naghahanap pa ng ipapalit kay Gen. Espina.
Tila aniya may kani-kaniyang kampo ang mga pulis kaya siya nagsagawa ng imbestigasyon.
Dahil dito, nagpaalala si Pangulong Aquino sa mga pulis at sa bagong talagang PNP chief na hindi dapat magkaroon ng bata-bata system sa loob ng kapulisan bukas dapat na maging bata sila ng taumbayan.(Jerico Albano/UNTV Radio)