Pangulong Aquino, dinalaw ang mga sundalong nasugatan at nakiramay sa kaanak ng mga nasawi sa engkuwentro sa Abu Sayyaf sa Basilan

by Radyo La Verdad | April 13, 2016 (Wednesday) | 1667

DANTE_PNOY
Alas-dies ng umaga kanina nang dumating sa Zamboanga City si Pangulong Benigno Aquino III.

Kasama ng Pangulo sina AFP Chief of Staff General Hernando Iriberri, Philippine Army Chief Eduardo Año, Defense Secretary Voltaire Gazmin at DILG Secretary Mel Senen Sarmiento.

Dumiretso ang Pangulo sa burol ni Corporal Rodelio Bangcairin sa Barangay Ayala upang makiramay at magbigay ng ayuda sa naulila nitong pamilya.

Si Bangcairin ay isa sa mga sundalong nasawi sa bakbakan sa bandidong Abu Sayyaf sa Basilan noong Sabado.

Sunod na pumunta ang Pangulo sa Don Basilio Navarro Hospital sa AFP Western Mindanao Command Headquarters upang bisitahin naman ang mga sundalong nasugatan sa engkwentro.

Tumagal ng halos isang oras ang pakikipag-usap ng Pangulo sa mga sundalo kung saan pinuri nito ang kabayanihan at katapangang kanilang ipinamalas.

Huling pinuntahan ng Pangulo ang Edwin Andrews air base kung saan naman naka-confine ang anim pang sundalo na nasugatan rin sa nasabing engkwentro.

Matapos nito ay nagkaroon ng closed-door meeting ang Pangulo sa mga kamag-anak ng mga napatay na sundalo.

Hindi na nagpaunlak ng panayam ang Pangulo sa media ngunit ayon sa mga naulilang kaanak, personal na ipinaabot ng pangulo ang pakikiramay sa mga naiwang mahal sa buhay ng mga bayaning sundalo.

Matapos ang pagbisita ay agad nang umalis si Pangulong Aquino para naman dumalo sa ilang pagtitipon sa Misamis at Cagayan de Oro.

(Dante Amento / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,