Pangulong Aquino, binatikos ang 2 senador na humarang sa BBL

by Radyo La Verdad | February 10, 2016 (Wednesday) | 1607

JERICO_PNOY
Naglabas ng saloobin si Pangulong Aquino sa isang Campaign rally ng Liberal Party sa Iloilo.

Sa talumpati ni Pangulong Aquino, binatikos nito ang dalawang hindi pinangalanang senador na nagsabwatan para harangin ang pagpasa ng panukalang Bangsamoro Basic Law o BBL.

Ayon kay Aquino, nasa 200 milyong mga Pilipino ang maaapektuhan sa pagkabinbin ng nasabing panukala.

Sinisi ng pangulo ang pagkaantala ng paglabas ng report ng komite.

“Ang sabi ko po noon sa mga tumuligsa dito: Ano ba ang mungkahi ninyo o alternatibo sa BBL? Wala namang inilapit sa atin. Ngayon, nasaan na po tayo? E di nasa pareho pa ring sitwasyon, na siyang di naging lunas sa matagal nang kalagayan ng Mindanao,” pahayag ng Pangulo.

Matatandaang si Senator Bongbong Marcos ang isa sa humarang sa naturang panukala at gayundin si Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile na huling senador na magsasagawa ng interpellation sa BBL.

Dahil dito, sinamantala ng pangulo na ligawan ang mga Ilonggo na iboto ang mga mambabatas na papabor sa pagsusulong ng kapayapaan sa Mindanao.

“Mga Boss, ganyan po kahalaga ang lehislatura, kaya kailangan, ang mga Senador na pipiliin natin, talagang tama at nararapat,” dagdag pa ng Pangulo.

Ginawa ng pangulo ang pahayag sa 30,000 na dumalo sa campaign rally ng LP sa Iloilo.

(Jerico Albano / UNTV Radio Reporter)

Tags: , ,