Pangulong Aquino at mga miyembro ng gabinete, nakatakdang gunitain bukas sa Naga city ang pagpanaw ni dating DILG Sec. Jesse Robredo

by Radyo La Verdad | August 17, 2015 (Monday) | 1846

jeese-robredo
Bukas ng umaga ay nakatakdang gunitain ng mga miyembro ng gabinete at ni Pangulong Benigno Aquino III ang ikatlong taon ng pagpanaw ni dating Department of the Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo.

Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, dahil sa ito na ang huling taon ng administrasyong Aquino, pupunta ang Malacanang official sa Naga city upang gunitain hindi lamang ang kaniyang pagpanaw kundi ang naging debosyon ng dating DILG secretary sa mabuting pamamahala.

August 18, 2012 nang bumagsak sa dagat ng Masbate ang sinasakyang four seater piper Seneca plane ni Robredo nang siya ay pauwi na sa Naga city, nakaligtas sa plane crash ang aide ng kalihim na si Jun Abrasado at kasamang nasawi naman dito ang dalawang piloto ng eroplano.

Naiwan ni Jesse ang kaniyang asawa na si Camarines Sur Representative Leni Robredo, at ang kaniyang tatlong anak.(Nel Maribojoc/UNTV Correspondent)