METRO MANILA – Magsisimula sa mga proyektong pangkabuhayan ang pangmatagalang rehabilitasyon sa mga lugar na apektado ng oil spill sa Oriental Mindoro ayon sa pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa munisipalidad ng Pola nitong Sabado (April 15).
Matatandaan na nagkaroon ng oil spill sa lugar, matapos lumubog ang sasakyan na MT Princess Empress na may dalang industrial oil sa katubigan ng Naujan, Oriental Mindoro noong February 28.
Layon ng administrasyon na gamitin ang pagkakataon upang paunlarin ang mga negosyo, imprastraktura at industriya sa lalawigan, gayundin na tugunan ang ilang problema na lumitaw noong krisis tulad ng pagkukunan ng maiinom na tubig.
Katuwang sa proyekto ang ilang ahensya gaya ng Department of Trade and Industry (DTI), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Department of Labor and Employment (DOLE) na nangunguna sa pagbibigay ng tulong pangkabuhayan, ayuda at mga pagsasanay upang patuloy at hindi mapatid ang kita ng mga residente.
Masikap naman na nagsisiyasat ang Pangulo sa isinasagawang rehabilitasyon at tiniyak na handang tumulong ang pamahalaan hanggang makabangon muli ang mga bikitima ng oil spill sa lalawigan.
(Andrei Canales | La Verdad Correspondent)
Tags: OIL SPILL