Pangingisda sa Scarborough Shoal, hindi eksklusibo sa mga Pilipino sa kabila ng desisyon ng arbitral tribunal – Former Solicitor Generals

by Radyo La Verdad | July 13, 2016 (Wednesday) | 1134

RODERIC_HINDI-EXCLUSIVE
Hindi pa rin ganap na masosolo ng mga Pilipinong mangingisda ang Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc sa kabila ng desisyon ng arbitral tribunal na sakop ito ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.

Ayon kina Justice Francis Jardeleza at dating Solicitor General Florin Hilbay, kinikilala ng tribunal na may tradisyunal na pangisdaan sa Scarborough Shoal kaya’t pwede pa ring makapangisda rito ang ibang bansa.

Sina Jardeleza at Hilbay ang mga dating solicitor general na nanguna sa pagsusulong ng kaso ng Pilipinas laban sa China.

Kaya’t dapat anilang maging mahinahon ang mga Pilipinong mangingisda at huwag basta igiit ang ating karapatan sa pinag-aagawang teritoryo.

Lalo na’t kontrolado pa rin ng China ang Scarborough Shoal simula nang magka stand-off noong 2012.

Ayon kay Justice Jardeleza, dapat magabayan ng mga lokal na pamahalaan ang mga mangingisdang magtutungo doon upang hindi sila mapahamak.

Nakadepende anila kay Pangulong Rodrigo Duterte kung paano maipatutupad ang karapatan ng ating mga mangingisda sa Scarborough Shoal.

Ngunit ayon sa mga dating solicitor general, aabutin pa ng ilang panahon bago ito lubusang maisakatuparan.

(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,