Pangingisda sa ilang bahagi ng Laguna Lake, planong ipagbawal muna ng DENR

by Radyo La Verdad | June 29, 2018 (Friday) | 3072

Nag-inspeksyon ang DENR sa reclaimed area ng Laguna Lake sa Brgy. Calzada, Taguig City upang alamin ang epekto ng iligal na reklamasyon sa lugar.

Nitong Martes lamang, ipinasara ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) ang dalawang construction companies dahil sa paglabag sa iba’t-ibang batas pangkalikasan. Nasa 47 ektarya ang kabuuang lawak ng reclaimed area.

Ayon kay Environment Sec. Roy Cimatu, plano nilang ipagbawal muna ang pangingisda sa bahagi ng lawa na malapit sa lugar dahil posibleng kontaminado ng maruming tubig ang mga isda doon.

Inatasan na rin ng kalihim ang regional director ng DENR sa Metro Manila na tiyakin munang nasa standard ang kalidad ng tubig malapit sa reclaimed area.

Lumabas sa inspeksyon na maraming bahay sa lugar ang walang magandang sistema sa pagtatapon ng basura. Ipinasusuri na ng LLDA ang lupa sa lugar para sa gagawing rehabilitasyon.

Ipagpapatuloy din ang monitoring sa kalidad ng tubig upang makita ang epekto ng mga basurang itinapon doon.

Sinabi naman ni LLDA General Manager Jaime Medina na apektado ang kabuhayan ng mga residente dahil dito.

 

( Cathy Maglalang / UNTV Correspondent )

Tags: , ,