Panghuhuli sa mga tindera ng paputok sa mga bangketa sa QC, target simulan sa Disyembre

by Radyo La Verdad | November 20, 2017 (Monday) | 3647

Sampung araw na lamang ay Disyembre na at kasabay nito ay uumpisahan na rin ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang implementasyon ng City Ordinance SP 2618 o ang ordinansang nagbabawal sa paggamit ng alin mang uri paputok at pyrotechnic devices sa mga pampublikong lugar sa syudad gaya ng mga kalsada, iskinita, parke, basket ball court at iba pa.

Ayon sa may akda nito na si District 2 Councilor Rannie Ludovica, limang taon na niyang itinutulak ang ordinansa sa nasabing lungsod subalit noong Oktubre ngayong taon lang ito naaprubahan.

Layon aniya ng bagong regulasyon na maiiwas sa disgrasya ang publiko at mabawasan ang polusyong dala ng mga paputok.

Paglilinaw ni Ludovica, may mga designated community display area naman na pwedeng pagdausan ng fireworks display o pyrotechnics tulad sa Quezon Memorial Circle. Maaari din aniyang gumamit ng paputok sa pampublikong lugar ang ilang grupo basta’t susunod sa patakaran at may permit sa pulisya at lokal na pamahalaan.

Kapag naipatupad na ang ordinansa, huhulihin na rin ang mga nagbebenta ng paputok sa mga pampublikong lugar ng walang permit.

Sa unang paglabag, community service ang ipapataw na parusa, isang libo hanggang dalawang libong pisong multa na may kasamang community service naman sa ikalawang paglabag at multang limang libong piso na may kasamang kulong sa ikatlong paglabag.

Hinihintay na lang ng Quezon City LGU ang Implementing Rules and Regulation ng bagong regulasyon para maipatupad na ito sa darating na Disyembre kung saan ay mga brgy. captain ang aatasang magmomonitor sa implementasyon nito.

 

( Macky Libradilla / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,