Panghuhuli sa mga colorum na TNVS, suspendido pa rin- LTFRB

by Radyo La Verdad | August 31, 2017 (Thursday) | 3001

Matapos mabayaran ang multang 190 million pesos sa LTFRB, balik kalsada na uli ang Uber. Pero bukod sa mga Uber drivers na may provisional authority, maari ring makabiyahe ang mga wala pa nito.

Nananatiling suspendido pa rin ang panghuhuli ng LTFRB sa mga kolorum na Transport Network Vehicle Service o TNVS. Ito ay sa dahilang wala pang desisyong nailalabas ang ahensya sa motion for reconsideration ng Uber at Grab.

Ayon sa Uber, nasa 66,000 ang kanilang mga drivers at partner operators. Subalit sa record ng LTFRB, 3,500 lang ang may prangkisa.

Mahigit naman sa 10,000 ang nakabinbing aplikasyon sa LTFRB. Kabilang ito mahigit 62 thousand na wala pang prangkisa at colorum.

Sa Setyembre naman nakatakdang ilabas ng LTFRB ang pinal na bilang ng mga TNVS na bibigyan ng prangkisa at papayagang bumiyahe.

Ang lahat ng mga driver at operator na hindi mabibigyan ng prangkisa ay ipapasa na ng LTFRB ang pananagutan sa mga Transport Network Company at wala pang linaw kung ang lahat ng colorum ay makakapag-apply pa matapos mailabas ng LTFRB sa Setyembre ang pinal na bilang ng mabibigyan ng prangkisa.

Samantala, nangako ang Uber sa LTFRB na hindi nila ipapasa sa mga pasahero ang halagang nalugi ng kumpanya dahil sa binayarang multa.

 

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

 

 

 

 

Tags: , ,