Panganib na dala ng lahar sa tag-ulan, pinaghahandaan na ng probinsya ng Albay

by Radyo La Verdad | February 12, 2018 (Monday) | 2609

Posibleng magkaroon ng lahar flow sa ilang bayan ng Albay pagpasok ng tag-ulan. Dahil ito sa napakaraming lava na nailabas ng Mayon simula noong January 13.

Ayon sa Albay Public Safety and Emergency Management Office o APSEMO, umabot na sa 81 million cubic meters ang nailabas na lava ng Mayon.

Ayon sa PHIVOLCS, ito na ang pinakamarami simula noong pumutok ang bulkan noong 1960.

Isang evacuation plan ang inihahanda ng APSEMO para sa bayan ng Camalig at Guinabatan dahil ito ang mga bayan na natukoy na posibleng tamaan ng lahar flow.

Bukod dito, pitong barangay pa ang nakatakdang ilikas kung aabot sa 22 millimeter per hour ang buhos ng ulan sa rainy season.

Sinabi ng APSEMO na mayroon lamang silang dalawa hanggang tatlong oras upang ilikas ang mga tao sakaling bumuhos ang malakas na ulan.

Maaari ding madamay ang lungsod ng Legazpi kung dadaloy ang lahar sa Yawa River at kung magiging lahar ang mga volcanic deposit sa Miisi Gully.

Ang bayan naman ng Sto.Domingo ang maaapektuhan kung dadaloy sa Basud River ang lahar. Maaari ding maharangan ang mga daanan kung aapaw ang lahar.

Ngayon, nananatili ang alert level 4 sa Bulkang Mayon at ayon sa hindi pa maibababa ang alerto nito.

Umaabot pa rin sa mahigit 70 thousand ang mga evacuees sa buong probinsya ng Albay.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,