Sa bisa ng Executive Order No. 67 na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte, nagkaroon ng pagpapalitan sa pangangasiwa ng mga tanggapang nasa ilalim o nakaugnay sa opisina ng punong ehekutibo. Inalis na ni Pangulong Duterte sa cabinet secretary ang supervision sa ilang tanggapan.
Mayroong 12 tanggapang una nang inilagay sa ilalim ng Cabsec noong 2016. Inilipat na sa Department of Trade and Industry (DTI) ang pangangasiwa sa Technical Education and Skills Development Authority at Cooperative Development Authority (TESDA).
Nasa ilalim na rin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) at Philippine Commission on Women (PCW).
Samantalang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) naman ang mangangasiwa na sa National Anti-Poverty Commission (NAPC), National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) at Presidential Commission on the Urban Poor (PCUP).
Dapat makipag-ugnayan ang mga naturang tanggapan sa kanilang supervising departments hinggil sa kanilang mga polisiya, programa at activities.
Bukod dito, pinalitan na rin ang pangalan ng opisina ng cabinet secretary at ibinalik sa dating pangalan na cabinet secretariat.
Una nang binanggit ni Presidential Spokesperson at Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na isa sa mga kinukunsiderang maging pinuno ng cabinet secretariat si Davao City First District Representative Karlo Nograles, chairman ng House Committee on Appropriations.
Nabakante ang posisyon matapos maghain ng kandidatura sa pagka-gobernador sa Bohol ang dating cabinet secretary ng Pangulo na si Leoncio “Jun” Evasco.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )
Tags: DTI, Pangulong Duterte, TESDA