Pangambang bumagsak ang car industry at tumaas ang pasahe bunsod ng tax reform, pinawi ng economic managers

by Radyo La Verdad | March 7, 2017 (Tuesday) | 1579


Halos kumpleto ang mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Duterte nang dumalo sa pagdinig ng House Committee on Ways and Means sa comeprehensive tax reform package.

Dito, muling idinepensa ni Finance Secretary Carlos Dominguez ang panukalang baguhin ang sistema ng pagbubuwis kabilang na ang panukalang pagpapababa sa personal income at corporate tax at pagtataaas naman ng excise taxes sa mga produktong petrolyo at automobile industry.

Pinawi naman ng kalihim ang pangamba ng ilang mambabatas sa posibilidad na bumaba ang demand sa car industry dahil sa dagdag na buwis na magdudulot naman ng pagtaas ng presyo ng mga sasakyan.

Ayon kay Sec. Dominguez, masusuportahan pa rin ito kapag naibaba na ang personal income tax rate.

Sa kabila nito pag-aaralan ng economic managers ang compromised agreement sa automobile tax kung saan ibababa lamang ng kaunti ang proposed rates ng administrasyon.

Paliwanag pa ng DOF, maliit rin ang magiging epekto sa mga pasahe partikular na sa airlines cost kapag naipasa naman ang dagdag na excise tax sa mga petroleum products.

Samantala, pinarereview naman ni House Speaker Pantaleon Alvarez sa komite ang posibilidad na baguhin ang tax system ng mga religious institution partikular na ang mga nagdedeklara ng non-stock at non-profit.

Partikular na pinabubusi ng house leadership ang binabayarang tax ng mga eskwelahan na pagmamayari ng mga religious group maging ng mga investment nito.

Pinasusumite ni Speaker Alvarez sa komite ang income tax return ng lahat ng mga religious institution upang ito ay mabusisi ng Lower House at makapagpanukala ng amiyenda ukol dito.

(Nel Maribojoc / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,