Pang. Rodrigo Duterte, nais mapaaga ang pagkakaroon ng Covid-19 vaccine sa bansa

by Radyo La Verdad | December 4, 2020 (Friday) | 6228

METRO MANILA – Mas malaki na ngayon ang pag-asang mapaaga ang pagkakaroon ng Covid-19 vaccine sa bansa.

Ito ang reaksyon ng Malacañang matapos bigyan ng go-signal sa United Kingdom ang paggamit ng bakunang likha ng Pfizer-Biontech.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na sa lalong madaling panahon maging available na rin ito sa bansa.

“Ito po ay nagbibigay ng pag-asa sa atin na baka matapos na itong ating delubyong pandemic na ito dahil talaga namang bakuna lang ang kasagutan dito dahil sa development ng ginawa na desisyon ng engaltera, may pag-asa po tayo subject to availability of vaccine baka first quarter of the year pa lang, makarating na sa atin ang mga bakuna ”ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Unang binigay na timeline ni Vaccine Czar at National Task Force Against Covid-19 Chief Implementer Sec. Carlito Galvez Ang roll out ng vaccination program sa second quarter ng 2021.

Gayunman, ang realistic scenario aniya ay sa katapusan pa ng susunod na taon. Ayon sa palasyo, mas maaga ang gusto ni pangulong duterte sa timeline na ito.

“Narinig ko po personal ang president na nagsabi, dapat mas maaga than second quarter,”ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Samantala, nanindigan naman ang palasyo na nakadepende sa pinal na desisyon ni Pangulong Duterte ang resumption ng face-to-face classes.

At hangga’t walang tiyak na bakuna kontra Covid-19 sa Pilipinas, walang in-person learning sa mga paaralan.

“Ang posisyon po ng presidente habang walang bakuna, walang face-to-face pero ang alam ko , may mga proposal na magkaroon ng face-to-face sa mga medical school dahil kinakailangan natin ang mga doctor sa panahon ng pandemiya, yan po ay pag-aaralan, kinakailangan si pangulo ang mag-approve.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , ,