Pang. Duterte, seryoso nang ikinukondisera ang pagtakbo bilang VP sa 2022 elections

by Erika Endraca | July 8, 2021 (Thursday) | 24019

METRO MANILA – Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na uminit ang ulo nito nang magbitiw na ng mga pahayag si Senador Manny Pacquiao laban sa kaniyang administrasyon partikular na sa isyu ng katiwalian sa gobyerno.

Inihayag nito na pinipigilan niya ang kaniyang sariling magsalita hinggil sa isyu ng presidency para sa 2022 elections.

Subalit dahil sa mga paratang, ngayon seryoso na ang punong ehekutibong kinukunsidera ang pagtakbo bilang pangalawa pangulo sa 2022 national elections.

Gayunman, sinabi ng pangulo na dapat ang mananalong presidential candidate ay ang makaka-trabaho niya ng maayos,

Ginawa nito ang pahayag nang makipagpulong sa mga executive ng administration party, partido demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-LABAN) martes ng gabi kung saan personal siyang hinikayat ng mga ka-partido na tumakbo na sa pagka-bise presidente sa susunod at mamili ng kaniyang nais na maging presidente upang maipagputuloy ang mga napasimulan ng administrasyon.

“To the proposition that I run for vice president, medyo I am solved to the idea. Meaning to say, I am seriously thinking of running for vice president. But let me dwell into the reality of things. If I run for vice president tapos ang presidenteng na-elect hindi ko kaibigan, I would remain an inutile thing there- ito ang dilemma ko. The president that will win must be a friend of mine to whom I can work with.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Nagpasaring naman ang pangulo at sinabihan ang mga ka-partido na kung matutuloy man ang kaniyang vice-presidential bid, wag na silang magbitiw ng mga pangakong pabahay.

“If I run as vice president, which you want me to do so, maybe I will, but ‘wag na tayong mag-promise ng mga pabahay, lahat, ganoon. We just address the present agony and sorrow of the Filipino.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Samantala, nilantad naman ng pangulo ang umano’y tax evasion case ng senador mula sa mga boxing match nito.

“I remember he has a tax evasion case and he has been assessed to pay 2.2 Billion ang utang niya na hindi niya binayaran ang gobyerno in all his fights. Lahat na yan, since the beginning, maraming away yan at billion ang kinita niya” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Nilinaw naman ng pangulo na ayaw na niyang habulin ang senador kaugnay ng isyu subalit maituturing itong pandaraya sa gobyerno at samakatwid aniya ay katiwalian.

Hindi pa malinaw kung ano ang kahihinatnan ng partido at kung ano ang magiging pinal na desisyon ni Pangulong Duterte.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,