Pang. Duterte, pinayuhan ng doktor na magpahinga bunsod ng muscle spasms – Senator Bong Go

by Erika Endraca | October 24, 2019 (Thursday) | 2403

METRO MANILA, Philippines – Matapos sumailalim sa Magnetic Resonance Imaging (MRI), napag-alamang dahil lamang sa muscle spasms ang matinding pananakit ng spinal ni Pangulong Rodrigo Duterte ayon kay Senator Bong Go.

Matatandaang nakaranas ng hindi matiis na pananakit ang pangulo habang nasa japan ito noong Martes kaya gumamit na ito ng tungkod at napaaga pa ang balik sa Pilipinas. Kasunod ito ng pagkahulog sa motor ng punong ehekutibo noong nakalipas na Miyerkules.

” Wala naman pong nakitang dapat ikabahala sabi ng mga doctor niya, mga expert ito yung mga neurosurgeon doctors niya before pa ay wala pong dapat ikabahala purely muscles spasms lang po yun.” ani Sen. Christopher “Bong” Go.

Dagdag pa ng senador na dating special assistant to the President, binigyan lamang si Pangulong Duterte ng kaniyang doktor ng pain reliever.  Pinayuhan din ito ng doktor na magpahinga ng ilang araw.  Muli namang binigyang diin ng Senador na walang dapat ikabahala sa kalagayan ni Pangulong Duterte.

Katunayan aniya, tuloy ang mga nakahilerang activities nito tulad ng pag-welcome sa bumibisitang vice chinese premier sa Malacañang Ngayong araw.  At maging ang nakatakdang partisipasyon nito sa 35th ASEAN Summit sa Bangkok, Thailand mula November 2 hanggang 4.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: