Thailand – Napag-usapan muli ang isyu hinggil sa pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea sa 35th ASEAN Summit kasama ng ibang heads of government at states ng “Association of Southeast Asian Nations at dialogue partners”
Nanindigan si Pangulong Rodrigo Duterte na dapat na-aayon sa international law kabilang na ang United Nations Convention On the Law of the Sea UNCLOS ang pagresolba sa mga usapin hinggil sa maritime dispute sa South China Sea.
Isa ito sa mga binigyang diin ng punong ehekutibo sa plenary forum ng 35th Asean Summit sa Thailand nitong Sabado (Nov.2). Dagdag pa ng Punong Ehekutibo, prayoridad ng Asean ang pagpapanatili ng freedom of navigation at overflight sa South China Sea.
Bilang ASEAN-China country coordinator, nag-commit ang Pilipinas sa pamamagitan ni Pangulong Duterte sa paggawa ng lahat ng paraan upang matapos sa lalong madaling panahon ang negosasyon sa pagkakaroon ng epektibo at matatag na code of conduct. Ito ay upang maiwasan ang tensyon sa pagitan ng mga claimant country.
Samantala, umaasa naman ang Pilipinas na mapagkakasunduan na ngayong araw ( Nov. 4) ang negosasyon kaugnay ng free trade deal na magbababa ng taripa sa kalakal sa pagitan ng ASEAN at 6 pang bansa sa Asia, o ang Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP). Target itong mapirmahan sa susunod na taon.
Ngayong araw (Nov 4), ilang pagpupulong pa ang inaasahang daluhan ni Pangulong Duterte kabilang na ang ASEAN Plus Three Summit, 7th ASEAN-US Summit, special lunch on sustainable development, 14th East Asia Summit, ASEAN-Kapan Summit, Third RCEP Summit at ang closing ceremony ng 35th ASEAN Summit and related meetings. Sa sidelines, may nakatakda ring bilateral meeting si Pangulong Duterte kay Japan Prime Minister Shinzo Abe.
(Charize Longboen | UNTV News)