Pang. Duterte, nakikiusap sa mga kaalyado sa Kongreso na aksyunan ang prangkisa ng ABS-CBN.

by Radyo La Verdad | May 6, 2020 (Wednesday) | 22494

METRO MANILA – Walang pinapanigan si Pangulong Rodrigo Duterte sa isyu ng prangkisa ng ABS-CBN broadcasting corporation. Sa katunayan, ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque ay  nakikiusap ang Pangulo sa mga kaalyado niya sa Kongreso na aksyunan ito lalo na’t balik sesyon na ang mga mambabatas ngayon.

“Ang paninindigan ng Presidente, neutral po siya diyan. ‘Wag po kayong mag-alala, mga congressmen, ‘di po magagalit, ‘di po matutuwa ang Presidente kung inyong ipasa ang ABS-CBN. Completely neutral po ang President diyan. Vote as your conscience dictates, hindi-hindi po manghihimasok ang President sa inyong desisyon pero ngayong bukas po ang Kongreso, talaga pong Kongreso ang dapat magbigay ng prangkisa sa ABS-CBN,” ayon kay Sec. Harry Roque, Presidential Spokesperson.

Samantala, dinipensahan naman ng Palasyo si Solicitor General Jose Calida sa isyu ng ABS-CBN franchise.

Naging kontrobersyal si Calida dahil sa pagbibigay nito ng babala sa NTC na posibleng maharap sa graft charges ang mga commissioner nito kung maglalabas ng provisional authority gayong walang prangkisa ang network.

Ayon kay Secretary Roque, hindi dapat  maimpluwensyahan ng Solgen ang NTC.

 “Tapatan, yung chairman po ng NTC, ilang P-residente na po ang pinagsilbihan niyan. Wala pong pwedeng magsabi na nadidiktahan itong si chairman Cordova,” sinabi ni Sec. Harry Roque, Presidential Spokesperson.

Sa ngayon, pinag-aaralan naman ng pamahalaan na makapagbigay ng ayuda sa mga naapektuhang empleyado ng TV network sa pamamagitan ng subsidy program para sa mga micro, small and medium enterprises employees.

(Rosalie Coz)

Tags: , ,