Pang. Duterte, nais palagyan ng health warning ang mga produkto na nagtataglay ng maraming asukal

by Radyo La Verdad | June 21, 2018 (Thursday) | 4250

Higit 80 porsyento ang itinaas ng isang juice product batay sa ulat ng Department of Trade and Industry (DTI). Dahil ito sa epekto ng dagdag na buwis sa mga sweetened beverages.

Ibig sabihin, mula 8.75 piso na 25 grams, pumalo na ito sa 16.10 piso.

Subalit ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez, hindi ang dagdag presyo ang ikinabahala ni Pangulong Rodrigo Duterte, kundi ang taglay na dami ng asukal sa naturang produkto.

Kaya upang bigyang-babala ang publiko sa masamang maidudulot ng pag-consume ng maraming asukal, nais na nitong palagyan ng health warning ang mga produktong nagtataglay ng maraming asukal partikular na ang mga powdered juice drink.

Gayunman, kinakailangan pang makipag-ugnayan ng DTI sa mga stakeholder upang tukuyin kung anu-anong mga produkto ang may high-sugar content.

Hinggil naman sa labeling, makikipag-ugnayan ang DTI sa Department of Health at Food and Drug Administration.

Target mapatupad ang paglalagay ng health warning sa mga sugary product sa loob ng isa hanggang dalawang buwan.

Bukod dito, posible ring masakop ang iba pang produktong nagtataglay ng maraming asukal.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,