Pang. Duterte, nagpasalamat sa Estados Unidos sa pagsauli nito sa Balangiga bells

by Radyo La Verdad | December 17, 2018 (Monday) | 18083
President Rodrigo Roa Duterte rings one of the Balangiga Bells after witnessing the official handover of its Transfer Certificate at the Balangiga Auditorium in Eastern Samar on December 15, 2018. ALFRED FRIAS/PRESIDENTIAL PHOTO

Makalipas ang mahigit sa isang daang taon ay naibalik na rin sa mga mamamayan ng Balangiga, Easter Samar ang tatlong makasaysayang kampana ng Balangiga.

Mag a-alas singko ng hapon noong Sabado dumating si Pangulong Rodrigo Duterte sa Balangiga Gymnasium para pangunahan ang handover ceremony ng mga ito.

Personal na iniabot ng Pangulo kay Balangiga Mayor Randy Graza ang certificate of transfer ng Balangiga bells na ibinigay naman nito sa simbahan.

Muli namang sinabi ng Pangulo na hindi dapat akuin ng sinomang opisyal ng pamahalaan o personalidad ang pagbabalik sa bansa ng mga kampana. Ang tinig umano ng mga mamamayan ang nakapagpabalik nito.

Ipinaabot din nito ang pasasalamat sa Estados Unidos dahil sa pagtupad sa hiling ng mga Balangiga-on na maisauli ang Balangiga bell.

1901 nang kunin ng mga Amerikanong sundalo ang tatlong Balangiga bells bilang war booty, at makalipas ang 117 taon ay muling narinig ng mga Balangigan-on ang tunog ng kanilang kampana.

Umaasa ang lokal na pamahalaan ng Balangiga na magiging daan ang pagsasauli ng Balangiga bells upang mapalakas ang turismo at ekonomiya sa kanilang lugar.

 

( Jenelyn Gaquit-Valles )

Tags: , ,