MANILA, Philippines – Tila wala pang balak bawiin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang direktiba nito na suspensyon sa operasyon ng Small Town Lottery (STL) at Peryahan ng Bayan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Una nang binawi ng punong ehekutibo ang suspension sa lotto matapos mapatunayan sa imbestigasyong walang katiwalian sa operasyon nito.
Subalit ang STL at ang Peryahan ng Bayan, ayon sa punong ehekutibo, ninanakaw ang dapat na remittance sa gobyerno.
“Tapos itong lotto. Okay, sinabi ko tinignan ko, “okay you can resume with that.” Stl, peryahan ng bayan. P***** puro nakaw. Ang i-remit nila minus ‘yung kinukunan na nila. So I had to stop it.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa Department of Justice (DOJ), posibleng abutin ng 6 na buwan ang pagsisiyasat ng National Bureau of Investigation (NBI) sa talamak na katiwalian sa PCSO.
Nagsasagawa na rin ng life-style check ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa lahat ng PCSO executives.
Samantala, sa usapin naman ng peace and order, umaasa ang punong ehekutibo na maliliwanagan si Moro National Liberation Front (MNLF) Founding Chair Nur Misuari at gagayahin nito ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa pagtanggap ng alok ng pamahalaan.
Muli ring nagbabala ang pangulo kaugnay ng pinangangambahan nitong tuluyang makapasok sa bansa ang impluwensya ng teroristang isis.
“Ang tinatakutan ko ‘yung just like Iraq, Syria na maraming inosenteng taong nadadale. Talagang ako’y nagdarasal, I’m praying, I really pray, talagang lumuluhod ako sa Diyos na to spare us the kind of brutality and cruelty in our country because it will really be bloody, bloody as it can ever be.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.
(Rosalie Coz | Untv News)
Tags: Pangulong Duterte, PCSO