Dokumento vs police officials na sangkot umano sa illegal drug trade, Ilalabas ni Pang. Duterte

by Radyo La Verdad | April 3, 2019 (Wednesday) | 5724

METRO MANILA, Philippines – Ihahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dahilan kung bakit di matigil-tigil at bagkus ay tumindi pa ang suliranin ng bansa sa iligal na droga.

Aminado siyang hindi successful ang maigting niyang kampaniya dahil worldwide na aniya ang suliranin sa ipinagbabawal na gamot.

Ayon sa Punong Ehekutibo, ilalabas niya ang mga dokumentong magpapakita ng kaugnayan ng ilang tauhan at opisyal ng pulisya sa illegal drug trade.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag ng dumalo ito sa campaign rally ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan o PDP-Laban sa Barangay Potreto, Malabon City kagabi, April 2, 2019.

“Ilalabas ko ‘yung dokumento bukas. Iyong  paano maglaro ang pulis sa droga, ‘yung mga opisyal; at bakit hindi mahinto-hinto. At bakit naman ‘yung mga pulis noon naka-assign sa anti-drugs hanggang ngayon sa anti-drugs pa rin, kaya pinaglalaruan ang Pilipino.” Ani Pangulong Duterte.

Samantala, ayon sa Punong Ehekutibo, may suliranin ang Malabon City hinggil sa law and order. Bagaman ‘di aniya siya nakatitiyak kung sangkot sa illegal drug trade ang local chief executive, ‘di naman aniya protektado ng opisyal ang mga mamamayan ng Malabon laban sa epekto ng ipinagbabawal na gamot.

Kaya ang ultimatum ng Pangulo sa Mayor ng Malabon City.

“Alam ninyo ang problema ninyo dito, law and order, ang Mayor ayaw niyang hintuin. I do not know kung Mayor kasali pero palagay ko hindi, pero yung protection niya sa mga tao niya, ‘di naman siya pwedeng magbigay araw-araw, yang shabu hinahayaan, ang tama niyan, anak ninyo,” pahayag ni Pang. Rodrigo Duterte.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , , ,