Pang. Duterte, kinakailangang magpahinga dahil sa sobrang trabaho – Malacañang

by Erika Endraca | November 7, 2019 (Thursday) | 8654

METRO MANILA – Inihayag ng Malacañang na kinakailangang magpahinga ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa sobrang pagta-trabaho nitong nakalipas na Linggo. Ina-asahang magbabawas ng schedule ng activities ang Pangulo sa hinaharap.

Inihayag ni Senator Bong Go, dating top aide ng Pangulo na pagkatapos ng 35th Asean Summit, magpapahinga ito ng 1-Linggo sa kaniyang bahay sa Davao City.

Matatandaang ilang kritiko rin ng administrasyon ang tumuligsa sa pag-skip ng Punong Ehekutibo sa ilang ASEAN related summits sa Nonthaburi, Thailand noong Lunes tulad ng 3rd RCEP Summit at closing ceremony ng naturang Regional Summit.

Ayon kay Presidential Spokesperson at Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, posibleng magbawas ng activities ang Punong Ehekutibo pero hindi ito leave of absence.

Naniniwala ang opisyal na kinakailangang magpahinga ng Punong Ehekutibo dahil sa dami ng trabaho nito. Kagabi (Nov. 6), nagsagawa pa ng cabinet meeting ang Punong Ehekutibo sa Malacañang.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,