Pang. Duterte, ipinag-utos na ipatupad ang normalisasyon sa ilalim ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro

by Radyo La Verdad | April 30, 2019 (Tuesday) | 24194

Malacañang, Philippines – Sa bisa ng Executive Order Number 79, iniutos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang implementasyon sa normalisasyon bilang isang bahagi ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro sa pagitan ng Philippine Government at ng Moro Islamic Liberation Front o MILF.

Ang normalisasyon ay isang proseso kung saan tinitiyak ang pagkakaroon ng seguridad sa mga komunidad na naapektuhang ng deka-dekadang armadong hidwaan sa Mindanao.

Layon din nitong makabalik sa payapang buhay ang mga residente sa Bangsamoro at magkaroon ng kalidad na pamumuhay na walang takot sa anumang karahasan at krimen.

Bahagi rin nito ang decommissioning ng pwersa at armas ng MILF o pagbabalik sa tahimik na buhay-sibilyan at di paggamit na muli ng armas ng Bangsamoro Islamic Armed Forces at ang paglansag ng mga private armed group sa mga lugar na sakop ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.

Gayundin ang pagpapaigting ng mga programa ng mga ahensya ng pamahalaan upang mapaunlad, ma-reconsruct at ma-rehabilitate ang mga lugar na apektado ng hidwaan sa rehiyon.

Kaalinsabay nito, iniutos din ni Pangulong Duterte ang pagbuo sa Inter-Cabinet Cluster Mechanism na tututok sa pagpapatupad ng Normalization Program.

Pinirmahan ng Punong Ehekutibo ang Executive Order kasunod ng ratipikasyon sa Bangsamoro Organic Law at pagkakatalaga ng mga miyembro ng Bangsamoro Transition Authority na mamamahala sa BARMM hanggang taong 2022.

Umaasa naman ang Malacañang na nakahanda ang MILF na sundin ang proseso sa ilalim nito partikular na ang Decommisioning Porcess sa armadong pwersa ng grupo.

Ayon kay Presidential Spokesperson and Legal Cousel Secretary Salvador Panelo, sigurado siyang susunod ang MILF at hawak-kamay na makikipagtulugungan sa pamamaraan ng gobyerno para makamit ang kapayapaan.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , ,