MALACAÑANG, Philippines – Hindi pinirmahan ni Pangulong Duterte ang panukalang Coconut Farmers and Industry Trust Fund dahil labag umano ito sa Konstitusyon at kulang sa depensa kontra katiwalian.
Labag sa Article VI, Section 29, paragraph 3 ng 1987 Constitution ang nakasaad sa Senate Bill number 1233 at House Bill number 5745 o ang panukalang lilikha sa Coconut Farmers and Industry Trust Fund.
Nasasaad sa batas na ang lahat ng salaping nalikom sa anumang buwis na ipinataw para sa isang tanging layunin ay dapat na ituring na isang tanging pondo at dapat ipambayad para sa layuning iyon lamang.
Kung mayroong balanse matapos na itigil ang layuning kinauukulan ng paglikha, ito ay dapat ilipat sa pangkalahatang mga pondo ng pamahalaan.
Subalit sa ilalim ng nasabing panukala, ang P76 billion Coco Levy Fund na nakolekta noong panahon ni dating Pangulong Marcos mula sa mga Coconut Farmers ang siyang gagamitin sa paglikha ng Trust Fund.
Una ng ginamitan ng veto power ng Pangulo ang panukalang magpapalakas sa Philippine Coconut Authority sa kadahilanang batay sa mga aprobisyon nito, walang katiyakan na ligtas ang pondo at ‘di magagamit sa katiwalian.
Sa ilalim ng Coco Levy Bill, ang kawalan ng limitasyon sa isang nasasakupang land area para sa entitlement ng trust fund ay posibleng maabuso ng mga mayayamang farm owner at di makinabang ang
maliliit na mga magsasaka na nangangailangan ng ayuda.
Bukod pa rito, posible ring maabuso kung maibibigay ang malawak na kapangyarihan sa PCA sa pamamagitan ng panukala.
Sa huli, iginiit ng Punong Ehekutibo na bagaman bahagi ng legislative agenda ng kanyang administrasyon ang Enrolled Bill, hindi naman sinasalamin ng mga probisyon nito ang mithiin ng pamahalaang magamit
ng husto ang Coco Levy assets at funds sa kapakinabangan ng maliliit na coconut farmers.
Samantala, umaasa ang Pangulo na makikipagtulungan pa rin ang Kongreso sa paglikha ng bagong panukala na katanggap-tanggal para sa lahat.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: Coconut famers, Coconut Farmers and Industry Trust Fund, Pang. Rodrigo Duterte