Pang. Duterte, hindi pabor sa no-touch policy ng Presidential Security Group

by Radyo La Verdad | March 10, 2020 (Tuesday) | 4675

Malacañang, Philippines – Hindi pinansin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ipinatutupad na no-touch policy ng Presidential Security Group sa pagitan ng Punong Ehekutibo at publiko sa mga scheduled event nito.

Inanunsyo ng PSG na bilang bahagi ng preventive measures laban sa COVID-19, isa ito sa mga ipinatutupad ng mga PSG personnel. Subalit sa kaniyang pakikipag-pulong sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases sa Malakayang kagabi, makikitang ‘di ito sinunod ng Pangulo. Bagkus, nakipagkamay pa rin at nakipag-beso-beso pa sa ilang miyembro ng kaniyang gabinete at ilang local chief executives.

“Kalokohan yan, protocol-protocol. I will shake hands. Lagi kong sinasabi sa inyo, kung tawagin na ako ng Dios ngayong oras na ito, pupunta na ako, tapos na ako. Naging President na ako, pinakamataas na maaabot ng mga tao, mga anak ko, ok na,” ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Hinggil naman sa payo sa kaniya ng kaniyang kabiyak na si Ginang Honeylet Avanceña na umiwas muna sa big crowds, ayon sa Punong Ehekutibo, may tungkulin siyang dapat gampanan.

Tuloy-tuloy din aniya ang mga scheduled public event niya.

“I will not decline invitations. I will shake hands with everybody. I am going to Midnanao to visit my dead soldiers and to congratulate my warriors,” dagdag ni Pangulong  Duterte.

Samantala, tuloy din aniya ang gagawin niyang pagbisita sa Boracay island upang isulong ang local tourism.

(Rosalie Coz)

Tags: , ,