METRO MANILA – Nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte na gamitin ang extraordinary powers nito sa ilalim ng saligang batas sakaling lumala ang suliranin ng water shortage sa kalakhang Maynila at mga karatig probinsya
Aniya, pinag-aaralan niya rin ang lahat ng opsyon upang masolusyunan ang kakulangan ng suplay ng tubig. Kabilang na ang pagsusulong sa Kaliwa Dam Project na tinututulan ng mga environmental advocate dahil sa umano’y posibleng pagbaha at displacement ng mga katutubo na idudulot nito.
Una nang nagkaroon ng krisis sa tubig sa kalakhang Maynila noong Marso ng taong ito samantalang kamakailan ay ipinatupad ng Maynilad at Manila Water ang rotational water service interruption dahil sa patuloy na pagbaba ng lebel ng tubig sa Ipo at Angat Dam na pangunahing sources ng water supply.
Ayon sa palasyo, kabilang sa mga drastic measure na maaring ipataw sa mga pabayang water contractors ay ang termination ng kontrata, at ang pagpapanagot sa mga responsable.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: Pangulong Duterte, water shortage