METRO, MANILA – Nakabatay ang pamahalaan sa rekomendasyon ng World Health Organization (WHO) dahil ito ang may kumpletong impormasyon kaugnay ng pinangangambahang 2019 Novel Corona Virus- Acute Respiratory Disease (nCoV-ARD).
Batay sa pinakahuling ulat nito, 23 bansa na ang may kumpirmadong kaso ng deadly virus. Subalit nang tanungin si Pangulong Rodrigo Duterte, wala itong nakikitang dahilan para palawigin ang pinaiiral na travel ban ng bansa sa China, Macau at Hong Kong sa iba pang bansang may mga confirmed 2019 nCoV cases na rin.
“It’s always good to go by the WHO. We go by the regulations that will be given out by the WHO, we cannot act on our own, this is something that require the discipline by everybody and to follow the governing entity which is the WHO ” ani Pangulong Rodrigo Duterte.
Binanggit din ng Pangulo na handa ang Pilipinas na tumulong sa China upang mahinto ang paglaganap ng deadly nCoV.
Ipinahayag din ni President Duterte na walang dapat lubhang ikatakot ang publiko kaugnay ng nCoV sa bansa.
Positibo rin ang pananaw ng Pangulo na matatapos ang suliranin kaugnay nito dahil sa pag-iral ng modernong medical science sa ating panahon at dapat na ring itigil ang tila paninisi sa China.
“We can assure the Chinese government that we too will help. And this kind of mentioning the Chinese and blaming them, it’s like a xenophobia. You hate anything that is Chinese. It is not good because we have, I said, so many” ani Pangulong Rodrigo Duterte.
Bukod dito, wala pa namang nakikita si Pangulong Duterte na pangangailangang maglagay ng partikular na quarantine facility kaugnay ng nCoV.
Gayunman, sakaling dumating naman ang pagkakataon na dumami ang bilang ng kaso ng mga pinaghihinalaang infected ng nCoV-ARD sa bansa, nagbigay na ito ng inisyal na order sa Department Of Health (DOH).
“I have directed Secretary Duque here to prepare a space, a ward, or a hospital room, building where we can house them and wala pa naman, di pa kailangan yan but I said we will prepare” ani Pangulong Rodrigo Duterte.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: Novel coronavirus