Pang. Duterte, binuksan ang isyu ng arbitral ruling sa pagharap kay Chinese President Xi

by Radyo La Verdad | August 30, 2019 (Friday) | 8722

Napag-usapan sa bilateral meeting kagabi nina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping sa Diaoyutai State guest house sa Beijing ang isyu sa West Philippine Sea.

Gayunman, nagmatigas at nanindigan ang China na hindi kilalanin ang The Hague arbitral ruling na pumapabor sa Pilipinas hinggil sa pinagtatalunang teritoryo. Sa kabila nito, pumabor at sumang-ayon naman ang Chinese Chief Executive sa pagkakaroon ng code of conduct sa South China Sea upang maresolba ang conflict sa disputed territories. Dapat aniya itong mabuo bago matapos ang termino ni Duterte sa 2022.

Sa isyu naman ng joint oil and gas exploration, sinabi ni President Xi na dapat nang ihanda ng steering committee ang kinakailangang panuntunan hinggil dito.

Ikinatuwa naman ni Pang. Duterte ang pahayag ng China na nakahanda itong magbigay ng nararapat na kompensasyon sa dalawampu’t dalawang mangingisdang Pilipino sa Recto Bank incident.

Sa kabila naman ng mga kontrobersyal na isyu kaugnay ng maritime dispute. Desidido pa rin si Pangulong Duterte na ipagpatuloy ang nasimulan nitong maigting na pakikipag-ugnayan sa China.

Hinikayat ng Philippine Chief Executive si President Xi na pagtibayin pa ang ugnayan ng dalawang bansa.

Ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte, “Today, let us reaffirm the value of our relationship both personal and official as well as the trust, respect and pursuit of mutual benefit that we have been building over the last three years. To be sure, there have been challenges, yet we are living up to our commitment to define our ties as a comprehensive strategic cooperation.”

Nagpahayag naman ng kahandaan si President Xi na makipagtulungan kay Pangulong Duterte upang kapwa makinabang ang mga mamamayan ng dalawang bansa at manatili ang regional peace at stability.

Samantala, anim na kasunduan naman ang pinirmahan sa pagitan ng dalawang bansa sa official visit ni Pangulong Duterte. Ang mga ito ay may kinalaman sa sektor ng edukasyon, science and technology, cooperative agreement sa pagitan ng Philippine Bureau of Customs, at General Administration of Customs ng China, implementation contract on Project of China Aid Container Inspection Equipment at iba pa.

Ngayong araw ay nakatakda naman ang bilateral meeting ni Pangulong Duterte kay Premier Li Keqiang.

Magke-courtesy call din sa Pangulong ang construction delegates ng China at inaasahan ding magbibigay ng talumpati ang Punong Ehekutibo sa isasagawang Philippine-China Business Forum.

Samantala, manunood din ng Fiba Basketball World Cup 2019 opening ceremony ang Pangulo ngayong gabi sa National Aquatic Center kasama si Chinese President Xi.

Pagkatapos nito, magbibiyahe rin ang Punong Ehekutibo patungong Guanzhou, Guangdong Province para naman sa nakatakdang laro ng Gilas Pilipinas kontra Italy team.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , ,