Pang. Aquino nag-inspeksyon sa Pasig at Mandaluyong City upang tignan ang implementasyonng flood management masterplan

by Radyo La Verdad | August 27, 2015 (Thursday) | 3806

PNOY
Binisita kaninang umaga ni Pangulong Benigno Aquino the third ang P50 billion pabahay project ng National Housing Authority para sa mga informal settlers na nakatira sa mga ilog at creek ng Pasig City.

Bahagi ito ng stratehiya ng DPWH para sa implementasyon ng flood management masterplan kung saan paluluwagin ang mga waterways tulad ng ilog Pasig.

Sa kasalukuyan dalawang building na ang nakatayo na kayang mag-okupa ng 120 families at naghihintay na lamang ang mahigit 700 pang pamilya na makalipat ng bahay.

Isa sa pinakamalaking proyekto ng DPWH ay ang Pasig-Marikina River Channel improvement, kung saan nasa mahigit tatlumpung poryento pa lamang ng proyekto ang natatapos at inaasahang makukumpleto sa june 2017.

Kaugnay nito, tinalakay rin ng Pangulo sa Rizal Technnological University ngayong araw ang ilang proyekto ng administrasyon upang maibsan ang baha sa lugar.

Ayon sa Pangulo makukumpleto na ang ibang drainage improvement sa lungsod na bahagi naman ng kabuuang P609.12 million Mandaluyong Main Drainage Project.

Ayon kay DPWH Secretary Rogelio Singson target na matapos ang P350 billion flood management masterplan sa loob ng 20 taon.

Kaugnay ng mga problema sa bansa, ayon kay Pangulong Aquino ipiprisinta sa kaniya ang mga hakbangin upang masolusyunan ang problema sa trapiko sa Metro Manila.

Isa sa nakikitang solusyon ng Pangulo dito ay ang hatiin sa dalawang bahagi ang mga bumibiyahe sa kalakhang Maynila.

Umapela naman si Pangulong Aquino sa publiko na dagdagan ang pang-unawa at kooperasyon sa mga proyekto ng pamahalaan upang maibsan ang pagbaha at trapiko sa Metro Manila. ( Nel Maribojoc / UNTV News)

Tags: ,